Manila, Philippines – Mula nang magsimula ang buwan ng Disyembre, hudyat na malapit na ang kapaskuhan, mas naramdaman pa ng publiko ang mabigat na daloy ng trapiko at mabagal na pag-usad ng mga sasakyan sa ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.
Dahil dito nakapagtala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng halos ilang oras na usad pagong ng mga sasakyan sa kahabaan ng Marcos Highway noong weekends na sakop ng Marikina, Pasig, Cainta at Antipolo.
Sabi ng MMDA bunsod ito ng magkakasabay na mall wide sales malapit sa Marcos Highway.
Isa rin sa itinuturong dahilan ng ahensya ang walang maayos na koordinasyon sa pagbiyahe ng mga truck sa mga LGUs na nakadaragdag pa sa bigat ng trapiko.
Ayon kay MMDA Chairperson Atty. Romando Artes, nakipag-pulong na sila sa traffic officials ng Cainta, Antipolo, Marikina, at Pasig para sa kanilang rekomendasyong mitigation measures na dapat ipatupad ng mga LGU upang hindi na maulit ang gridlock ng mga sasakyan sa Marcos Highway.
Kasabay naman nito ang pakiusap din ng MMDA na huwag pagsabay sabayin ang mga mall sales at kung maipit ang sa traffic, iwasan daw ang pag counter flow, at sumunod sa mga traffic enforcers.
Sa kabila naman ng pakiusap ng MMDA sa mga mall owners na ipagpaliban ang malawakang sale kasabay ng holiday season, nilinaw ni Artes na hindi nila sinisisi ang mga ito, ngunit sadya lamang daw talaga na isa ito sa mga dahilan ng pagsikip ng traffic.
Idinagdag pa ni Artes na maaari pa rin naman daw magsagawa ang mga mall ng sale per store at tanging ipinagbabawal lamang ay ang mall wide sale.
Samantala hinikayat naman ng MMDA ang publiko na kung maaari ay gumamit na lamang muna ng Bus Carousel, MRT at LRT upang makabawas sa bilang ng mga sasakyan na nasa kalsada.
Kung saan nakikipag-ugnayan na raw sila sa Department of Transportation (DOTr) na palawigin ang oras ng biyahe ng mga pampublikong transportasyon ng sa gayon ay may masakyan ang mga komyuters.
Bahagi rin daw ng mitigating measure ng ahensya ng pagdaragdag ng mga traffic enforcers katuwang ang mga local na pamahalaan.
Matatandaan na sa mga nasasakupang lugar ng MMDA sa Metro Manila, ipinagbabawal ang pagsasagawa ng malawakang sales sa mga mall kasabay g holiday season para naman makabawas sa sobrang traffic sa EDSA.