Manila, Philippines — Mahigit isang linggo bago ang paggunita ng Holy Week, pinaghahandaan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga hakbang at mga polisiyang ipatutupad sa panahong ito.
Ito ay bilang konsiderasyon na rin sa inaasahang magiging lagay ng trapiko at kalsada, maging ang nagbabadyang dagsa ng mga pasahero at byahero.
Kaugnay nito, inanunsyo ng MMDA ang nakatakdang pagkansela sa implementasyon ng Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) para sa mga sasakyan.
Batay sa abiso ng ahensya, suspendido ang number coding scheme sa mga sasakyan sa ika-17 at ika-17 ng Abril, o sa Maundy Thursday at Good Friday, upang hindi mahirapan ang mga motoristang babyahe papasok at palabas ng Metro Manila sa kasagsagan ng Semana Santa.
Bukod sa coding scheme, inanunsyo na rin ng MMDA na ngayong Holy Week, papayagan din munang makadaan at makabyahe sa EDSA ang mga pamprobinsyang bus.
Ayon sa MMDA, simula sa ika-9 ng Abril, papayagang makadaan ang mga provincial buses sa EDSA mula alas diyes ng gabi hanggang alas singko ng umaga.
At sa mismong Holy Week, simula ika-16 hanggang ika-20 ng Abril, maaari nang makadaan ang mga ito sa EDSA 24 oras.
Para sa mga bus na manggagaling sa Norte, magtatapos ang kanilang mga byahe sa bus terminals sa Cubao, habang sa bus terminals naman sa Pasay City ang end trips para sa mga bus na manggagaling sa South Luzon.
Paliwanag ng MMDA, ang hakbang at polisiyang ito ay upang masiguro na mayroong mga sapat na pampasaherong bus para sa mga pasahero, na inaasahang bubuhos ngayong Semana Santa.