HONEYLET AVANCEÑA, KITTY DUTERTE, DUMATING NA SA ICC PARA BISITAHIN SI FPRRD

The Hague, Netherlands — Mahigit dalawang linggo makaraang arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte at maditene sa International Criminal Court (ICC), dumating na sa The Hague, Netherlands ang kanyang common-law partner na si Honeylet Avanceña at anak na si Veronica, Kitty Duterte para bisitahin ang dating presidente.

Batay sa mga report, pasado tanghali ng Miyerkules, sa oras sa Netherlands, nang dumating ang mag-ina sa ICC Detention Facility, ngunit nabigong mabisita ang dating pangulo dahil sa usapin ng access.

Bandang 1:55pm sa The Hague nang umalis na ang mag-ina sa facility.

Nauna nang kinumpirma ni Vice President Sara Duterte ang magiging pagbisita nina Avanceña at Kitty sa ICC upang makasama ang dating pangulo sa pagdiriwang nito ng kanyang ika-80 kaarawan sa Biyernes, ika-28 ng Marso.

Nakapagsumite na rin anila sila ng aplikasyon para mapahintulutan si Kitty at si Avanceña na mabisita si FPRRD sa mismong araw ng kanyang kaarawan.

Panawagan rin ng bise presidente sa mga taga-suporta ng dating pangulo na magsagawa na lamang ng kani-kanilang picnic kung nais nilang ipagdiwang din ang kaarawan ni Duterte.

Share this