HONTIVEROS: ‘ALICE GUO 2.0’ NAKAPASOK SA PCG, BANTA SA SEGURIDAD

Manila, Philippines – Nagbabala si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa posibleng banta sa pambansang seguridad matapos mabunyag na si Joseph Sy, isang negosyanteng inaakusahan ng pamemeke ng nationality, ay nakapasok pa sa Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA).

Inihalintulad ni Hontiveros kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang kaso ni Sy, matapos itong mahuli dahil sa paggamit umano ng mga fake identity documents. 

Ayon sa Senadora, mistulang ‘Alice Guo 2.0’ si Sy na nagpapanggap na Pilipino at gumagamit ng pekeng passport at ID.

Batay sa isang dokumento ng PCG noong July 26, 2018, hinirang si Sy bilang miyembro ng PCGA at nabigyan ng honorary rank sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasalukuyang nakakulong si Sy sa Bureau of Immigration (BI) dahil sa umano’y paggamit ng mga pekeng dokumentong Pilipino, kung saan natukoy na ang kanyang tunay na pangalan ay Chen Zhong Zhen.

Kasabay nito, nanawagan ang Philippine Nickel Industry Association (PNIA) sa Bureau of Immigration na agad palayain si Sy dahil ilegal at labag daw umano sa batas ang kanyang pagkakaaresto.

Sa kabilang banda, iginiit ni Hontiveros na bagamat boluntaryo at non-government ang PCGA,  nakababahala na nagkaroon si Sy ng access sa mga tao at mga aktibidad kung saan maaaring napag-uusapan ang usapin ng pambansang seguridad.

Samantala, wala pang direktang tugon ang PCG tungkol sa isyu hanggang sa kasalukuyan. 

Tiniyak naman ng ahensiya na patuloy nitong paiigtingin ang pakikipag-ugnayan sa mga intelligence agencies upang tiyakin ang mas mahigpit na screening at seguridad sa kanilang hanay.—Reymon Montero, Contributor

Share this