HONTIVEROS: HINDI KINAKATAWAN NG IMPEACHMENT COURT SPOX ANG POSISYON NG BUONG SENADO

Manila, Philippines – Sa estado ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, si Atty. Regie Tongol ang tumatayo ngayong spokesperson ng Senate impeachment court.

Sa isang press briefing nitong ika-2 ng Hulyo, nagbigay ng update si Tongol kaugnay ng kasalukuyang proseso ng impeachment makaraang ibalik ang reklamo sa kamara.

Ngunit ang ilan sa kanyang mga naging pahayag, inalmahan ni Senadora Risa Hontiveros at sinabing hindi nito nirerepresenta ang pananaw ng lahat ng mga senator-judges.

Ginawa ni Hontiveros ang anunsyo matapos sabihin ni Atty. Regie Tongol na hindi muling babalik ang impeachment court para sa trial hanggang hindi tumatalima ang House of Representatives sa dalawang utos ng impeachment court.

Sinabi ni Hontiveros na may karapatan si Tongol na magsalita sa kanyang sariling kakayahan, ngunit hindi aniya nito inilalarawan ang kabuuan ng senado.

Giit nya, kung pagbabatayan ang mga naging pahayag ni tongol sa nakaraang press conference, tila ang posisyon lamang daw ng presiding officer ang kinakatawan nito.

“He does not represent mine, as one of the Senator-Judges,” sabi ni Hontiveros.

Kinondena rin nya ang tila pagdedesisyon na kaagad ng mga ito sa mga tuntunin ng impeachment court.

“Out of respect for the institution, I hope we can be more mindful of process and allow us Senator-Judges to decide only when we are properly convened,” dagdag nya pa.

Samantala, iginiit naman ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang kahalagahan ng tamang proseso sa impeachment trial, at na tanging mga senador lamang ang maaaring mag salita para sa institusyon.

Ayon kay Sotto, ang mga pahayag ng ilang senador, kabilang ang lider ng senado ay hindi kakatawanin ang posisyon ng buong senado. —Carla Ronquillo, Contributor

Share this