HONTIVEROS, MAGSUSUMITE NG REKLAMO VS. ISANG TESTIGO NANG BALIGTARIN ANG PAHAYAG KAY QUIBOLOY

Manila, Philippines – Pinabulaan ni Senator Risa Hontiveros ang lahat ng mga naging pahayag ni Michael – isa sa mga umano’y tumayong testigo laban kay Pastor Apollo Quiboloy sa imbestigasyon sa senado.

Ayon kay Senator Hontiveros na handa silang magsumite ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) para asistehan sila sa imbestigasyon laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon.

Giit ng senador, ang pagbubunyag sa mga pangalan ng mga biktima na tumestigo laban sa pang-aabuso ni Quiboloy ay may malaking panganib sa kaligtasan ng mga ito.

Ito pa lamang ang kanilang unang hakbang para sa mga sangkot sa pagpapakalat ng maling impormasyon at titiyakin aniya nila na mananagot ang mga nasa likod nito.

Nitong Lunes, inilabas lahat ni Hontiveros ang mga resibo na nagpapatunay na nagsisinungaling si Michael, alyas Rene.

Unang ebidensya na inilabas ng senador ang pagmemessage ni Michael sa opisina ng mambabatas noong December 14, 2023.

Dito aniya sinabi ni Michael na isa siya sa mga empleyado ni Quiboloy na nakaranas ng pang-aabuso at pananakit mula sa pastor.

Giit ni Hontiveros, ilang beses pang nag-iwan ng mensahe si Michael sa opisina niya.

Hindi aniya ito pagpapakita ng pamimilit para tumestigo laban sa sa pastor, salungat sa mga tinuran ni Michael na pinilit siya at binayaran.

Mariin din pinabulaanan ng senador ang pahayag ni Michael na inutusan siyang idamay ang pangalan ni dating pangulong Duterte.

Bukod pa rito, isiniwalat din ni Hontiveros, ang mismong paglapit ni Michael sa tanggapan ng mambabatas para humingi ng tulong pinansyal.

At makikita sa palitan ng mensahe sa isang larawan na hindi nagbibigay ng tulong ang senador sa mga potential witness sa mga pagdinig.

Photo Courtesy: Risa Hontiveros/FB

Sa ngayon ay isinasapinal pa ng legal team ni Hontiveros ang mga kaso na isasampa laban sa mga taong nagpapakalat ng maling impormasyon.

Kasama ang kanilang desisyon na sampahan ng criminal complaint.

Nagpahaging din si Hontiveros sa kapwa niya senador sa pagbahagi mismo ng recent video ni Michael sa personal social media.

Ayon kay Hontiveros, dapat ay pawang katotohanan lamang ang ibinabahagi sa mga social media platform, at hindi kasinungaling, maging pagbabahagi ng mga AI-manipulated video. — Krizza Lopez, Eurotv News

Share this