Batasan, Quezon City — Pag-aaralan umano ng ilang miyembro ng House Prosecution panel ang paghahain ng Motion for Inhibition sa mga “biased” umanong senador sa gitna ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ang Motion for Inhibition ay isang pormal na request na naglalayong ma-disqualify ang isang hukom na nag-uugat sa pagiging biased nito o iba pang dahilan na nag uuwi sa hindi pag talima nito sa pagiging impartial sa isang kaso.
Sa isang panayam noong June 13, sinabi ni Oriental Mindoro 1st District Representative Arnan Pangilinan na isa rin sa mga appointed prosecutors na nakatakda umanong pag-usapan ng panel ang mga posibleng gawing aksyon bago o matapos ang pagbubukas ng 20th Congress sa Hulyo. Dagdag pa ni Pangilinan maari din umano silang maghain ng Motion to Subpoena para sa mga kinakailangang records.
Sa gitna ito ng mga pangyayari noong June 12, kung saan naki bahagi sina Senator-judges Robin Padilla at Imee Marcos sa pagdiriwang ng Independence Day ni Duterte sa Malaysia kasama ang Overseas Filipino Workers community roon.
Dito ay naghayag ng suporta sina Padilla at Marcos sa Pangalawang Pangulo sa kabila ng panunumpa ng impartiality oath matapos mag convene ang Senado bilang impeachment court.
Matatandaan naman noong June 10 ay naghain ng Motion to Dismiss si Senator-judge Ronald “Bato” dela Rosa na inamyendahan ni Senator-judge Alan Peter Cayetano na nag resulta sa pag remand ng articles of impeachment pabalik sa kamara.
Makailang beses rin kinuwestyon ng ilang Duterte-allied senators ang legalidad ng impeachment articles na ayon sa legal experts ay ang respondent at ang kanyang legal team dapat ang gumagawa at hindi ang mga Senator-judges. — Ruzzel Andante, Contributor