Manila, Philippines — Dalawang buwan bago ang nakatakdang ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo, kasado na rin ang mga isinasagawang paghahanda ng iba’t ibang sangay at ahensya ng pamahalaan para rito.
Bukod sa seguridad, isa rin sa mga pagtutuunang-pansin sa ginagawang preparasyon ang usapin ng kalusugan ng mga dadalo sa SONA ng pangulo.
Lalo na ngayon na mayroong tumataas na banta ng sakit na COVID sa mga karatig na bansa ng Pilipinas sa Timog-Silangang Asya.
Sa pagtataya ng Department of health, tumataas man ang kaso ng sakit sa mga kalapit na bansa, sa Pilipinas naman ay nakitaan na ito ng 87% na pagbaba ngayong taon, na may higit 1,700 na kaso sa 2025 mula sa higit 14,000 noong 2024.
Pagsisiguro ng DOH, wala pang dapat ika-alarma ang publiko.
Ang abisong ito ng DOH ang naging basehan ng House Secretary General sa mga ipatutupad na health protocols para sa SONA.
Batay sa isang memorandum na inilabas ni house Sec Gen Reginald Velasco, wala pang mga babaguhin ang pamahalaan sa mga health protocols na iiimplementa sa araw ng SONA.
Wala pa mang dapat ikabahala at banta, nagpaalala naman si Velasco, sa publiko, maging sa mga empleyado ng kamara, sa kahalagahan ng pagkakaroon ng preventive measures at health reminders upang maiwasan pa ring makakuha o mahawa ng sakit.
Kabilang sa mga paalalang ito ang palagiang pagsisiguro ng hand hygiene, etiketa kapag umuubo o bumabahing, pagsusuot ng face-mask at iba pa.
Hinikayat din na ang mga empleyado na kaagad magpakonsulta sa mga medical professional sakali mang makaranas ng anumang sintomas ng sakit, at ipaalam sa Health Safety Officer ng kamara kung sakali mang magpositibo sa COVID para sa monitoring at gamutan.
Wala mang mga magiging pagbabago sa ngayon, magbababa aniya ng abiso ang kamara sakali mang magkaroon ng adjustments sa mga ipatutupad na health protocols para sa pagdaraos ng SONA.