Quezon City, Philippines – Nagtipon upang magprotesta ang iba’t ibang progresibong grupo ngayong Miyerkules, Nobyembre 13, sa labas ng House of Representatives para sa ika-11 na quad-committee hearing ng Kongreso hinggil sa mga extrajudicial killings ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.
Kasama ang mga grupo tulad ng Bayan Muna, Kabataan Partylist, Sinag Bayan, PAMALAKAYA, Health Alliance for Democracy (HEAD), at Agham Youth, layon panagutin ng mga samahan si Duterte sa umano’y mga paglabag nito sa karapatang pantao.
Bitbit ang mga plakard na may nakasulat na “Duterte, ikulong!” Iginiit ng mga nagtipon ang kanilang panawagan para sa hustisya.
Ayon kay Albert Pascual ng HEAD, matagal nang “pinagloloko” ni Duterte ang taong bayan dahil hindi niya natupad ang pangakong anim na buwang war on drugs.
Dinagdag din ni Pascual ang usapin ukol sa sektor ng pangkalusugan at binigyang-diin ang patuloy na kakulangan ng sapat na serbisyo nito sa bansa.
Samantala, nagbalik-tanaw si Jolo Labio ng Kabataan Partylist ukol sa karumal-dumal na nangyari kay Kian de los Santos, isa sa mga estudyanteng naging biktima ng extrajudicial killing (EJK).
Iniugnay niya ang insidenteng ito sa pangambang naranasan ng mga kabataan, lalo na ng mga estudyanteng “nagsasalita lamang” upang ipaglaban ang iba’t ibang isyu, partikular sa sektor ng edukasyon.
Aniya, ang mga tinig ng mga ito ay naharap sa banta ng red-tagging.
Ayon naman kay Raymond Palatino ng grupong BAYAN, hindi lamang sa isyu ng EJK dapat panagutin si Duterte. Binahagi rin niya ang mga isyung COVID-19 militarization, martial law sa Mindanao, at pagpaslang sa mga aktibista at oposisyon.