Manila, Philippines – Taon-taong ipinagdiriwang sa lungsod ng Maynila ang Traslacion ng Itim na Nazareno, at kasabay nito ang pansamantalang pagsasara ng ilang pangunahing kalsada upang bigyang-daan ang ligtas at maayos na pagdaraos ng selebrasyon.
Ngayong taon, inanunsyo ng mga awtoridad ang pansamantalang road closure kaugnay ng gaganaping Traslacion 2026 sa Biyernes, Enero 9, upang bigyang-daan ang pagdaan ng Andas ng Poong Nazareno.
Pinayuhan ang publiko, lalo na ang mga motorista, na magplano nang maaga ng kanilang biyahe at umiwas sa mga apektadong lugar upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng trapiko.
Kabilang sa mga kalsadang pansamantalang isasara ang Independence Road hanggang Katigbak Drive, Bahagi ng Roxas Boulevard at Padre Burgos, Ayala Bridge, Kahabaan ng Carlos Palanca hanggang Globo de Oro, Solano Street at Padilla Street, Kahabaan ng P. Casal Street hanggang Mendiola/Legarda, na nakalaan lamang para sa mga emergency vehicle at rescuers.
Samantala, pinaalalahanan din ng Simbahan ng Quiapo ang mga deboto na iwasang salubungin ang prusisyon upang matiyak ang maayos na daloy ng Traslacion at maiwasan ang anumang abala o insidente.
Patuloy namang nananawagan ang mga awtoridad at pamunuan ng simbahan sa publiko na pairalin ang disiplina at mag-ingat upang masiguro ang ligtas at mapayapang pagdiriwang ng Traslacion 2026.