Manila, Philippines – Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagpapatunay na ipinatutupad ang “zero billing” o “bayad na bill niyo program” sa ilang DOH hospital sa bansa.
Ito ay matapos siyang personal na bumisita sa East Avenue Medical Center sa Quezon City at Eastern Visayas Medical Center upang tiyakin na natatanggap ng mga pasyente na na-admit sa basic accommodation ang benepisyo at wala na silang babayaran paglabas nila ng ospital.
Sa magkahiwalay na pagbisita ng Pangulo sa dalawang ospital, ipinakita nito ang halos ₱447,923.93 na total bill ng isang pasyente sa DOH-EVMC, P215, 665 at P168,538 sa EAMC gayundin ang iba pang bill.
Ipinaliwanag naman ng Pangulo na sagot ng Philhealth ang 25% ng total bill ng isang pasyente habang ang natitirang 75% ay mula na sa pondo ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program.
Ipinahayag naman ni Health Secretary Ted Herbosa na palalawigin pa ng kanilang ahensya ang zero billing sa mga pribadong ospital.
Nagpaalala naman ang Pangulo na dapat alam ng lahat ng DOH Hospital ang proseso ng zero billing para maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga pasyente gayundin ang mahabang pila para maka-avail ng programa.
Hinikayat din ng Pangulo ang publiko na ipagkalat ang tungkol sa zero billing sa mga DOH Hospital para mas maraming makaalam ng impormasyon.
Sa ngayon nasa 12,000 na pasyente na ang nabenipisyuhan ng zero billing sa Eastern Visayas Medical Center habang humigit kumulang 2,000 pasyente naman ang naka-avail na rin ng programa ng pamahalaan sa East Avenue Medical Center.