IMPEACHMENT CASE NI VP SARA, IPINABABASURA SA KORTE SUPREMA

Manila, Philippines — Kasunod ng naging desisyon ng Senado bilang impeachment court na ibalik sa House of Representatives ang mga impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, ilang mga indibidwal naman ang nagsumite ng petisyon sa Korte Suprema upang ibasura na ang kaso.

Nitong Miyerkules, naghain ng supplemental petition for certiorari and prohibition sina Atty. Israelito Torreon at apat na iba pa na humihiling sa Korte Suprema na i-dismiss ang mga reklamo ng impeachment laban kay Duterte.

Ang petisyon, kasama rin ang hiling na Temporary Restraining Order at Writ of Preliminary Injunction upang pigilan ang Senado na magsagawa ng impeachment trial laban kay VP Sara base sa Fourth Impeachment Complaint.

Batay sa petisyon, hinihiling nito na ideklara ng Korte Suprema bilang null and void ang articles of impeachment dahil nabigo itong makumpleto ang constitutional requirements on verification, maging ang pagkakaroon ng proper initiation ng impeachment proceedings.

Iginiit din dito ang kakulangan ng due process at paglabag sa one year bar na nagtatakda na hindi maaaring sampahan ang isang indibidwal ng higit isang impeachment complaint sa loob ng isang taon.

Hinihingi din ng mga ito ang writ of prohibition upang permanente nang pagbawalan ang Senado na magsagawa ng trial para sa anila’y invalid impeachment complaint.

Naniniwala rin sila na hindi maaaring itawid sa ika-20 Kongreso ang impeachment case.

Kabilang sa mga naghain ng petisyon sina dating LTFRB chief Atty. Martin Delgra III, Atty. James Reserva, Atty. Hillary Olga Reserva, and lawyer of Socorro Bayanihan Services Inc. leader Jey Rence Quilario.

Share this