INFLATION RATE SA BANSA, BUMABA SA 3.7 NGAYONG JUNE

Manila, Philippines – Naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagbaba ng antas ng inflation sa bansa nitong buwan ng Hunyo.

Mula sa sunod-sunod na pagtaas ng inflation rate sa pagpasok ng 2024, na umabot hanggang 3.9% nitong Mayo, bahagyang humupa ito sa 3.7%.

Base sa ulat ng PSA, “Ang headline inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa ay bumagal sa antas na 3.7% nitong Hunyo 2024. Noong Mayo 2024 ang inflation ay nagtala sa antas 3.9% at 5.4% naman noong Hunyo 2023. Ang average inflation mula Enero hanggang Hunyo 2024 ay nasa antas na 3.5%.

READ: INFLATION IN THE PHILIPPINES SPEEDS UP TO 3.9% IN MAY — PSA

Ayon kay National Statistician at Civil Registrar Undersecretary Claire Dennis Mapa, ang pagbaba ng presyo sa pabahay, kuryente, langis, transortasyon, at mga restaurants and accommodation services ay nakatulong sa pangkalahatang pagbagal ng inplasyon.

Pasok ang average inflation rate mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon na 3.5% sa itinakdang government ceiling na 2% hanggang 4%.

Sa kabilang banda, tumaas ang food inflation mula sa 5.8% noong nakaraang buwan papuntang 6.1%.

Paliwanag ni Mapa, “Despite na bumababa yung ating overall inflation na nasabi ko kanina na tumaas actually yung food and non-alcoholic beverages inflation na ito yung may pinakamalaking weight doon sa ating CPI basket natin. Ito ay tumaas sa 6.1% nitong Hunyo 2024 mula sa 5.8% nitong Mayo 2024.”

Ang pagtaas ng presyo ng mga gulay at karne sa loob ng Consumer Price Index na 0.7% ay dahil umano sa malimit na pag-ulan na nagresulta sa kakulangan ng suplay.

Batay pa rin sa naging ulat ng PSA, humina ang naitalang inflation rate sa National Capital Region (NCR) mula sa 3.1% noong Mayo patungong 2.3% ngayong Hunyo, habang nanatili naman sa 4.1% ang antas ng inplasyon sa mga Areas Outside NCR.

READ: PRICES OF RICE, FISH HIKES IN THE 1ST QUARTER OF JAN, OTHER AGRI-COMMODITIES DROPS — PSA

Samantala, ipinahayag ng National Economic Development Authority ang kanilang layon na mapanatili sa 3% hanggang 4% ang inflation sa bansa.

Paniwala ni NEDA Secretary Arsenio M. Balisacan, ang pagbaba ng inplasyon dahil sa mabagal na electricity rates ay patunay ng kahalagahan na palakasin ang sektor ng enerhiya sa bansa.

Sa ngayon, patuloy ang ahensya sa pakikipag-ugnayan sa iba pang sangay ng gobyerno upang isulong ang sapat at abot-kayang suplay ng pagkain, lalo ang bigas, para sa pamilyang Pilipino.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Share this