Antipolo City, Philippines — Kasunod ng naging road rage sa Antipolo City nitong Linggo, kung saan pinagbabaril ng suspek ang mga nakaalitang motorcycle rider, kinumpirma ng mga awtoridad na pumanaw na ang isa sa mga ito.
Hindi direktang pinangalanan ang pumanaw na biktima, ngunit tinukoy sya bilang ang rider sa mga video ng insidente na bumulagta sa harapan ng SUV ng suspek matapos syang paputukan ni alias “Kenneth”.
Na-confine pa sa Intensive Care Unit (ICU) ang biktima ngunit pumanaw na rin kalaunan.
Bukod sa naturang rider, tatlo pa ang natamaan sa pamamaril, kabilang ang 2 rider na nakaalitan, at ang babaeng live in partner ng suspek.
Ayon kay Antipolo City Acting Police Chief Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, nakapaghain na sila sa Prosecutor’s Office ng tatlong kaso ng frustrated murder nitong Lunes, ngunit kinakailangan itong amyendahan dahil pumanaw na ang isa sa mga biktima.
Dahil dito, murder, multiple frustrated murder, at paglabag sa Omnibus Election Code na gun ban na ang mga kasong kakaharapin ngayon ng suspek.
Nasa kustodiya na rin ng mga pulis ang suspek na naaresto sa isang checkpoint matapos magtangkang tumakas.