2 PILIPINO, KUMPIRMADONG NASAWI SA LINDOL SA MYANMAR — DFA

Mandalay, Myanmar — Makalipas ang mahigit isang linggo mula nang tumama ang magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar noong ika-28 ng Marso, natagpuan na ang labi ng dalawa sa mga Pilipinong napaulat na nawawala matapos ang lindol.

Nitong Miyerkules, unang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs sa isang opisyal na pahayag pagkaka-identify sa mga labi ng isa sa mga nasawi, na nakilala bilang isa sa apat na Pilipinong nawawala.

The Department of Foreign Affairs regrets to inform the nation that the remains of one of the four missing Filipinos in Mandalay, Myanmar have been positively identified. Out of respect for their privacy in this time of grief, we are withholding further information on the matter,” saad ng DFA.

Sa isang Facebook post, kinumpirma naman ni Alvin Aragon na ang kanyang kapatid na si Francis Aragon ang natukoy na biktima.

“Ipinapaalam po n[a]min na nakita na po [y]ung k[a]patid n[a]min at masakit man sa amin tang[g]apin n[a] k[a]s[a]ma n[a] sya ni Lord ngaun…we are currently mourning and grieving for the lost of our youngest brother….we thank God for all the grace, comfort encouragement and strength He has given this past weeks sa aming family…,” saad ni Aragon sa isang Facebook post.

Si Aragon, 38 taong gulang ay isang guro na nagtatrabaho sa Myanmar. Kabilang sya sa apat na mga Pilipinong nawala matapos gumuho ang tinutuluyang condominium sa Myanmar.

Samantala, nitong Huwebes ng umaga, inanunsyo na rin ng DFA ang pagkakatukoy sa labi ng isa pang Pilipinong nasawi sa trahedya.

Bilang paggalang sa pamilyang nagluluksa sa gitna ng balitang ito, hindi na muna nagbigay ng iba pang detalye ang DFA patungkol sa ikalawang Pilipinong nasawi mula sa lindol.

The Department of Foreign Affairs is informed by the Philippine Embassy in Yangon of the positive identification of the remains of a second confirmed Filipino victim of the powerful 7.7 earthquake which hit Myanmar last March 28. The family of the deceased Filipino has been informed. They have requested the media to respect their privacy in this very difficult time,” ayon sa DFA.

Ang biktima, isa rin sa apat na mga Pilipinong pinaghahanap matapos gumuho ang tinutuluyang condominium building.

Samantala, patuloy naman ang isinasagawang search operations at cross matching process ng mga awtoridad para matukoy ang natitira pang dalawang Pilipinong hindi pa rin natatagpuan hanggang sa kasalukuyan.

Nitong nakaraan, sinabi ng Embahada ng Pilipinas sa Myanmar na may ipinadalang Team mula sa National Bureau of Investigation Disaster Victim Identification Division para tumulong sa identification ng mga narecover na labi mula sa naturang condominium site upang mas madali ang pagtukoy kung kabilang sa mga ito ang mga nawawalang Pilipino.

Share this