Inday Trusts Imee Marcos.
Ito ang sentro ng bagong political campaign ad na inilabas ni senadora Imee Marcos nitong Lunes, kung saan opisyal syang inendorso ni Vice President Sara Duterte sa kanyang kandidatura bilang re-electionist sa Halalan 2025.
Sa 30-segundong #ITIM campaign, inilarawan nina Marcos at Duterte ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa bilang kulay itim, na inirepresenta rin nila sa pamamagitan ng itim na kasuotan.
“Itim ang kulay ng pakikiramay. Itim ang kulay ng pagkakaisa. Itim, ilaban ang tama, itama ang mali,” saad ng political ad.
Naging sentro ng kampanya ang anila’y kagutuman at krimen na umiiral sa bansa, maging ang anila’y kawalan ng hustisya.
Tila mayroon ding naging patama si Marcos laban sa Alyansa, kung saan dati syang kabilang.
Itim ngayon ang kulay ng bansa, sa gutom at krimen, nagluluksa. Gutom na ang sikmura, gutom pa sa hustisya. Ginigipit ang hindi ka-alyansa.
Matatandaan na si Marcos ay kabilang sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas senatorial slate na inendorso ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ngunit nang maaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ikinasa ni Marcos ang isang Senate inquiry upang imbestigahan kung mayroong naging paglabag sa naging pag-aresto kay Duterte.
Noong ika-26 ng Marso, tuluyan na syang tumiwalag sa Alyansa, dahil ang kanyang mga natuklasan umano sa pagdinig ay taliwas aniya sa kanyang prinsipyo at paniniwala.
“Sa aking mga paunang natuklasan, na ilalahad ko sa mga darating na araw, malinaw na may
mga hakbang na ginawa ang administrasyon na salungat sa aking mga paninindigan at prinsipyo. Dahil dito, hindi ko na magagawang mangampanya at tumuntong sa isang entablado kasama ang iba pang kasapi ng Alyansa,” saad ni Sen. Imee sa isang pahayag noong ika-26 ng Marso
Bago nito, nauna na ring sinabi ni Marcos na ang kanyang pagbubukas ng imbestigasyon sa Senado ay hindi layon na makuha ang pag-endorso at suporta ni VP Sara, at paninindigan ang pagiging independent candidate.