Manila, Philippines – Kaagad ding binawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang itinaas na tsunami warning kaninang umaga sa mga baybayin ng Eastern Samar, Dinagat Islands, Davao Oriental, Leyte, Southern Leyte, Surigao del Norte, at Surigao del Sur.
Kasunod ito ng tumamang magnitude 7.4 na lindol sa Davao Oriental at mga karatig na probinsya.
Kung saan pinag-ingat ang mga residenteng nakatira sa coastal communities na lumikas sa mataas na lugar o lumayo sa karagatan.
Sa kabila ng pagkansela ng PHIVOLCS sa banta ng tsunami, nagpaalala naman ang Department of Health (DOH) na tandaan pa rin ang mahahalagang senyales ng pagkakaroon ng tsunami.
Gaya ng hindi normal na biglaan pag-atras ng tubig sa karagatan, kakaibang tunog na parang may papalapit na alon at halos hindi na makatayo ng maayos dahil sa lakas ng lindol.
Pinapayuhan din ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Office of the Civil Defense (OCD) na sakali mang itaas muli ang tsunami warning, agad na lumikas ang mga residente na nasa ilalim nito.
Kasabay ng paalala na kapag naobserbahan ang tatlong mahahalagang sensyales na may tsunami, huwag ng antayin pa ang anunsyo ng mga kinauukulang ahensya at magdesisyon ng kaagad na lumikas.
Ipinahahanda rin ng DOH ang emergency GO Bags na may lamang pagkain, toiletries, first aid, at iba pang kagamitan na kakailanganin sa kanilang paglikas.