Manila, Philippines – Mariing binatikos ng Kabataan Partylist si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. matapos nitong sabihin na online classes lamang ang tanging solusyon sa mga naantalang oras o araw ng klase dahil sa kalamidad.
Ayon kay Kabataan Rep. Atty. Renee Co, ang mga kabataan ang tunay na lugi at talo sa bilyon bilyong pondo na para dapat sa flood control project ngunit nako-corrupt lang din naman.
Kontra mahirap din daw ang nakasanayan online classes dahil maraming estudyante ang walang kakayahan pagdating sa internet at gadyet.
Dagdag pa niya na hindi dapat pinipilit na humabol ang mga kabataan na mag-aral kung ang gobyerno na mismo ang may pagkukulang.
Giit nya, huwag sisihin ang kalikasan sa mga kinahaharap na problema ng bansa tuwing may kalamidad.
Sa halip, isisi ito sa mga panukalang mapanira sa kalikasan gaya ng reclamation at mga profit driven infrastructure.
Hindi rin umano dapat ginagawang normal ang criminal negligence at kapabayaan kung may solusyon naman para rito.
Dagdag niya, masosolusyunan ang sakuna kung bibigyan prayoridad ito ng Gobyerno.
Nananawagan si Co na sa darating na State of the Nartion (SONA), mabigyan ng sapat na pondo para sa edukasyon, kalikasan at serbisyo sa mamamayan kaysa sa mga benepisyo ng ilan na nasa kapangyarihan. – Carla Ronquillo, Contributor