Japan – Isang dagok para sa karera ng Filipino basketball prodigy na si Kai Sotto matapos itong magtamo ng anterior cruciate ligament (ACL) injury sa Japan B.League nitong Linggo.
Ang 7-foot-3 center ng Koshigaya Alphas ay magpapahinga muna ng halos anim na buwan, ayon sa ulat matapos ang kanilang laban kontra SeaHorses Mikawa nitong Linggo, kung saan natalo sila, 79-77.
Nangyari ang injury sa unang quarter ng laro habang nagpo-post-up si Sotto laban sa import ng Mikawa na si Zach Auguste.
Ang injury na ito ay isang malaking balakid para kay Sotto, na nakapagtala na ng kanyang career-best average na 13.8 points, 9.6 rebounds, 2.0 assists, at 1.1 blocks per game.
Sa isang Instagram post, inamin ni Sotto ang lungkot na dulot nito, inilarawan niya itong bilang “the darkest day” sa kanyang basketball career.
Bukod sa kanyang laro sa Japan, malaking epekto rin ang lanyang injury sa Gilas Pilipinas, kung saan siya ay isa sa mga key players.
Ayon kay Gilas head coach Tim Cone, malaking adjustment ang kanilang gagawin para sa nalalapit na FIBA Asia Cup Qualifiers sa Pebrero, kung saan makakalaban nila ang Chinese Taipei at New Zealand.
Papalitan ni Japeth Aguilar at Mason Amos ang posisyon ng Pinoy prodigy bilang pangunahing big men ng Gilas.