Manila, Philippines – Suportado ng Department of Health (DOH) ang ginagawang hakbang ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) pagdating sa kampanya nito kontra dengue.
Kaugnay ito ng kamakailan inilabas ng ahensya na memorandum circular na nag-aatas sa lahat ng lokal na pamahalaan sa bansa na paigtingin ang kani-kanilang community protection at control measures.
Sa anunsyo ng DILG sinabi nitong mas tumitindi ngayon ang panganib mula sa mosquito-borne diseases lalo na sa naging epekto ng sunod sunod na bagyo na nag-iwan ng mga pagbaha sa bawat barangay at komunidad.
Sakop ng naturang memorandum ang tiyaking bawat local government units (LGUs) ay palagiang nagpapatupad ng clean-up drive, tanggalin ang mga posibleng pinamamahayan ng mga lamok na may dalang virus, sa bawat kabahayan man o sa pampublikong lugar.
Kasama rin sa pinapaalala ng DILG ang alisin ang mga nakabarang basura o anumang bagay sa mga kanal at ayusin ang drainage system na natambakan ng mga tubig na dala ng mga ulan.
Kinakailangan naman ng mga LGU na maglaan ng pondo para sa naturang hakbang kung saan hinikayat silang bumili ng larvicides at insecticides.
Ang bawat barangay health workers at volunteers din daw ay dapat magsagawa ng information campaigns.
Samantala, pinapurihan naman ng DOH ang naging inasyatibong ito ng DILG upang mas maitaas pa ng kagawaran ang kamalayan ng publiko hinggil sa dengue.