Manila, Philippines – Opisyal nang naghain ang kampo ni Vice President Sara Duterte ng kanyang tugon sa motion for reconsideration ng House of Representatives kaugnay ng kanyang impeachment.
Kinumpirma ng isa sa kanyang mga legal counsels na si Atty. Michael Poa na naipasa na nila sa Korte Suprema ang kanilang sagot sa naturang MOR nitong Lunes, August 18.
Matatandaan na noong ika-4 ng Agosto, naghain ang House of Representatives ng motion for reconsideration sa naging desisyon ng Korte Suprema na idineklarang unconstitutional ang Fourth Impeachment Complaint laban kay Duterte.
Ayon sa SC, nilabag ng reklamo ang one-year bar at ang due process pagdating na impeachment complaint na dahilan ng pagbabasura nito.
Nanindigan din ang Mataas na Korte na ang kanilang desisyon ay immediately executory, ngunit nilinaw na hindi ito nangangahulugan ng pag-abswelto. Maaari rin maghain ng panibagong impeachment complaint simula Pebrero ng 2026.
Sa kanilang motion for reconsideration, iginiit ng Kamara na hindi nalabag ng reklamo ang karapatan ni Duterte para sa isang due process.
Samantala, matatandaan din na in-archive na ng Senado ang naturang impeachment case.
Ngunit bilang parte ng batas at ng respeto sa judicial process, tumanggi naman ang kampo ni Duterte na ipaliwanag ang nilalaman ng kanilang naging sagot sa MOR.
Ani Poa, hindi sila magpapaunlak ng anumang media interview kaugnay ng isyu at na hindi rin maglalabas ng kopya ng nasabing dokumento.—Mia Layaguin, Eurotv News