Quezon City, Philippines — Matapos ang naging banta ng mataas na kaso ng dengue sa Quezon City, inanunsyo ng lokal na pamahalaan na bumaba na ang mga kaso ng sakit sa siyudad.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, bumagsak sa 90% ang mga naitalang kaso ng sakit sa siyudad mula noong Pebrero hanggang Abril.
Batay sa tala ng QC City Epidemiology and Surveillance Division (CESD), mula sa mahigit 600 kaso noong Pebrero, 64 na kaso na lamang ng sakit ang naitala mula sa unang linggo ng Abril.
123 na mga barangay na rin ang wala nang outbreak, ngunit may 19 na barangay pang tinututukan ang lokal na pamahalaan dahil sa banta ng sakit.
Sa kabila ng pagbaba, nanawagan naman si Belmonte sa mga mamamayan na huwag basta makumpiyansa at panatilihin pa rin ang kalinisan upang maiwasan ang muling pagtaas at pagkalat ng sakit.