KASONG ADMINISTRATIBO, ISINAMPA NG DILG LABAN SA 12 OPISYAL NG BFP SA “SLOT FOR SALE” SCHEME

Manila, Philippines – Inihain na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kasong administratibo laban sa 12 opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) kaugnay ng umano’y “slot for sale” o recruitment-for-sale scheme.

Sa pulong balitaan, inilantad ni DILG Secretary Jonvic Remulla na nasa 40 reklamo ang kasalukuyang kinahaharap ng ilang opisyal at tauhan ng BFP na sangkot umano sa iba’t ibang kaso ng katiwalian. 

Ayon sa kalihim, nananatiling pinakatalamak ang modus na pagbebenta ng puwesto sa hanay ng recruitment.

Kabilang sa mga kinasuhan ang apat na dating matataas na opisyal ng BFP sa Region VIII matapos umanong maghingi ng ₱400,000 hanggang ₱800,000 kapalit ng siguradong puwesto sa Fire Officer 1 recruitment noong 2025. Pinatawan na ang mga ito ng 90 araw na preventive suspension habang dinidinig ang kaso.

Samantala, anim na opisyal sa Region X ang nahaharap din sa kaso dahil sa umano’y pag-apruba sa mga aplikanteng kulang sa medical, physical at dental requirements, gayundin sa hindi maayos na paglalabas ng resulta ng pagsusulit.

Sa Region IV-A naman, dalawang tauhan ang sinampahan ng kaso kaugnay sa paglabag sa itinakdang proseso ng fire safety inspection.

Iniimbestigahan din ang isang fire officer sa Region I matapos umanong humingi ng ₱90,000 kapalit ng pagpasok sa recruitment. Nahaharap ito sa formal charge at preventive suspension.

Sa kabuuang 40 reklamong natanggap ng DILG, 21 na ang ini-refer sa Criminal Investigation and Detection Group para sa mas malalim na imbestigasyon.

Kaugnay nito, inihayag ni Remulla na nakahanda na rin sa susunod na linggo ang pagsasampa ng kasong bid-rigging laban sa ilan pang matataas na opisyal ng BFP bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa katiwalian sa ahensya.

Share this