Manila, Philippines – Inilunsad na ng Department of Agriculture (DA) ang kauna-unahang Mobile Soil Laboratory (MSL) sa Pilipinas, na magsisilbing katuwang ng mga magsasaka upang matukoy ang kalagayan ng kanilang mga lupain na pagtatamnan.
Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., at Bureau of Soils and Water Management (BSWM) ang inagurasyon ng MSL.
Ang makabagong 10-wheeler truck na kayang sumuri ng 42 soil chemicals, physical, microbiological at water chemical parameters ay matatagpuan sa San Ildelfonso, Bulacan sa National Soil and Water Resources Research Development Lowland Pedo-Ecological Zone, ngunit nakatakda itong umikot sa malalayong lugar sa bansa ayon yan kay Secretary Tiu.
Halimbawa sa mga serbisyong mailalapit ng MSL sa mga magsasaka ay ang pagsusuri ng kanilang mga lupain, kung paano gagamitin ang mga fertilizer at pesticide, kung kailan ito pwedeng ilagay, at marami pang iba.
Bukod pa rito, maaari rin nitong matukoy ang pundasyon ng mga lupain para sa masaganang ani.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang pagkakasakatuparan ng MSL ay maituturing na makasaysayang hakbang ng DA upang gumaan ang pinapasang gawain ng mga magsasaka, gayundin pagpapanatili sa food security.
Bukod pa daw sa benepisyong maibibigay nito sa mga lupain maaari ring magsanay ang mga magsasaka sa makabagong teknolohiya na dala ng MSL bilang karagdagan nilang kaalaman.
Sa tulong din daw ng mga datos na makakalap ng MSL, mas madali ng matutukoy ng pamahalaan ang mga hakbang na kanilang gagawin para sa mas ikauunlad pa ng sektor ng agrikultura.
Ipinahayag naman ng kagawaran ng agrikultura na pinaplano na nilang magdagdag kaagad ng 16 na units ng MSL upang mas marami pang rehiyon sa bansa ang maikot maserbisyuhan.
Unang iikot ang MSL sa lalawigan Nueva Ejica, Tarlac, Zambales, Bulacan, Pampanga, Aurora at Bataan, kung saan mananatili ito ng halos dalawang buwan sa bawat lugar.
Kada araw, sampung magsasaka ang maaaring nitong maserbisyuhan.
Samantala, ipinahayag naman ni Pangulong Marcos na ang lahat ng serbisyong maibibigay ng MSL ay libreng sasagutin ng BSWM sa loob ng isang taong operasyon nito para sa mga magsasaka.