KILALANIN: MGA NANGUNGUNANG PARTYLIST GROUPS SA APRIL PULSE ASIA SURVEY

Manila, Philippines — Ngayong isang linggo na lang bago ang halalan 2025, hindi pa rin ganap na malinaw at tiyak ang mga partylist groups na siguradong makakakuha ng upuan sa Kongreso pagkatapos ng eleksyon.

Ito ay bunsod na rin ng mas pabago-bagong rankings ng mga partylist groups sa mga voter preference surveys, lalo na ngayong mas malapit na ang halalan.

Ngunit kung ngayon ginanap ang eleksyon, kilalanin ang mga partido na may mataas na tyansang makakuha ng pwesto sa Kongreso, ayon sa Pulse Asia.

Batay sa resulta ng survey ng Pulse Asia nitong ika-20 hanggang ika-24 ng Abril, nanguna sa listahan ang Duterte Youth partylist na nakakuha ng 5.57% na boto, sa ilalim ng premise na ngayon isinagawa ang halalan.

Maituturing itong improvement para sa naturang partylist, lalo pa at nasa ikatlong rank ito sa nakalipas na survey na nakakuha ng 4.74%.

Sinundan naman ito ng Agimat partylist na may 5.52%, ACT-CIS na may 5.17%, 4Ps na may 4.85%, at Senior Citizens na may 4.55%.

Base sa mga vote percentage na kanilang nakuha, ginagarantiya nito ang tatlong upuan sa Kongreso para sa mga naturang partylist groups, kung ngayon ginanap ang halalan.

Kabilang naman sa mga partylist groups na may pag-asang makaselyo ng dalawang upuan sa Kongreso ang nakaraang rank 1 na Tingog partylist na may 3.63%, Uswag Ilonggo na may 2.48%, PPP na may 2.38%, Nanay na may 2.28%, Ako Bicol na may 2.20%, at Asenso Pinoy na may 2.19%.

Sa kabuuan, mayroon ding 34 partylist mula sa 155 na registered party groups sa halalan ang may tyansang makakuha ng at least isang upuan sa kongreso, batay sa resulta ng nasabing survey.

Kaya naman sa mga natitirang panahon bago ang mismong araw ng eleksyon, paalala sa mga botanteng Pilipino na suriin at kilatusing mabuti ang mga kandidato at partidong inyong iluluklok sa sa darating na halalan.

Share this