KILOS-PROTESTA NG MGA MAG-AARAL SA BULACAN, IKINASA SA DPWH 1ST DISTRICT OFFICE

Manila, Philippines – Sa gitna ng malawak na isyu ng “ghost” flood control projects sa Bulacan, naglunsad ng kilos-protesta ang mga progresibong grupo sa Bulacan.

Pinangunahan ito ng Katipunan Student Movement (KASAMA), isang progresibong grupo ng mga mag-aaral sa Bulacan State University.

Ginanap ang nasabing kilos-protesta sa harap ng Department of Public Works and Highways (DPWH) 1st District Engineering Office sa Tikay, Malolos, Bulacan kaninang umaga, September 11, 2025.

Samantala, pinaligiran naman ng pulisya ang tanggapan ng ahensya. Nanatili ring standby kanina ang mga ambulansya at trak ng bumbero para sa mga posibleng sakuna.

“Sinalubong man ng mga armadong pulis ang ating hanay, hindi ito naging hadlang upang pigilan ang ating panawagang wakasan ang mga anomalyang sangkot sa flood control scam at tuluyang paniningil sa mga may salang politiko at kontraktor,” ani ng Katipunan Student Movement (KASAMA) sa kanilang Facebook post matapos ang protesta.

Matatandaang isa ang probinsiya ng Bulacan sa may mga “ghost” flood control projects. Kamakailan lamang din nang ibunyag ni Senator Panfilo Lacson ang tinaguriang “BGC Boys” o Bulacan Group of Contractors ng mga casino.

Pinangalanan ni Sen. Lacson ang BGC Boys na sina dating Bulacan first district engineer Henry Alcantara, dating district assistant engineer Brice Ericson Hernandez, construction division chief Jaypee Mendoza, DPWH engineer II Arjay Domasig, at contractor na si Edrick San Diego.

Ang mga nabanggit ay kumukobra umano ng bilyon-bilyong halaga sa mga casino sa Metro Manila, Cebu, Pampanga simula pa noong 2023 hanggang 2025 na maaaring sangkot sa hinihinalang money laundering scheme, ayon kay Lacson.

Nakilala rin sila sa mga casino bilang BGC Boys dahil dito.—Shai Morales, Eurotv News

Share this