Manila, Philippines – Sa gitna ng mga pagtugis na isinagawa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga puganteng nagkasala sa lipunan, isa si Former Bureau of Corrections Chieff Gerald Bantag ang hanggang ngayon ay hinahanap pa rin ng mga otoridad.
Batay sa impormasyong ibinahagi ni Interior Secretary Jonvic Remulla, kasalukuyang pinaghihinalaan nasa Cordillera Administrative Region pa rin si Bantag.
Ngunit dahil na rin sa geographic structure ng cordillera region, ito ang nakikitang problema ng DILG para matiyak ang lokasyon ni Bantag.
Ani Remulla, humahanap na ng ibang paraan ang otoridad para matukoy ang lugar ni Bantag.
Posible umanong may tribo na nagpoprotekta sa dating opisyal.
Naglabas na ng pabuya ang Department of Justice na dalawang milyong piso para sa makapagsasabi ng kinaroronan ni Bantag.
Halos magtatatlong taon nang iniutos ng Muntinlupa court ang pag-aresto kay Bantag, matapos umanong paghinalaan na may kinalaman siya sa pagkamatay ni Jun Villamor, ang umano’y middleman sa pagkamatay ng dating broadcaster na si Percy Lapid noong 2022.
Noon pa man pinasinungalingan na ni Bantag ang koneksyon niya sa pagkamatay ni Villamor.
Giit ni Remulla, kung determinado ang gobyernong mahanap ang pugante ay tiyak na makikita kung sino man ito.—Krizza Lopez, Eurotv News