KONTRAKTOR SA LIKOD NG BUMIGAY NA DIKE SA NAVOTAS, KAKASUHAN NG DPWH

Manila, Philippines – Papapanagutin na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kontratistang may hawak ng kontrata ng Navotas City Coastal Dike na itinuturo bilang nakapagpapalala ng mga pagbaha sa lugar.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, ang dike, na dapat sanang maiiwasan ang malalang pagbaha sa mga coastal areas, mas nakadagdag pa sa perwisyo ng mga residente lalo na sa gitna ng pananalasa ni Bagyong ‘Uwan’.

Sa pagiinspeksyon ng DPWH at lokal na pamahalaan ng Navotas, isang taon na palang may sirang bahagi ang dike matapos mabangga ng dredging barge na pagmamay-ari ng mismong kontraktor kasagsagan pa ni bagyong Kristine.

Ani Dizon, ang kontratista na nabigong isaayos ang 20-metrong sira sa dike sa nakalipas na isang taon ang syang pangunahing may dahilan kung kaya lumala ang mga pagbaha.

Ang kontratista sa likod ng proyekto, ang Hi-Tone Construction and Development Corporation na pagmamay-ari ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Christopher Co, kapatid ni resigned lawmaker Zaldy Co. Ang nasabing kumpanya rin ang isa sa mga dawit sa flood control anomalies.

Giit ni Dizon, malaki na nga raw ang atraso sa kanya ng nasabing kumpanya at hindi umano sumasagot kahit sila ang dapat na mag-asikaso sa sirang bahagi ng dike.

Dahil dito, kakasuhan na ng DPWH ang kumpanya, at babawiin dito ang pondo na hindi naman nagamit para sa proyekto.

DPWH na rin aniya ang sasalo sa pagsasaayos ng nasabing dike at sisisguruhing mas magiging epektibo ang proyekto.—Mia Layaguin, Eurotv News

Share this