KOREANO, PATAY SA PAMAMARIL SA ANGELES CITY; P200K, ALOK NA PABUYA PARA MAHULI ANG SALARIN

Angeles City, Pampanga — Puspusan na ang isinasagawang imbestigasyon at operasyon ng kapulisan ng Angeles City, Pampanga upang masakote ang salarin sa likod ng naging pamamaril sa isang Korean National noong ika-20 ng Abril.

Mahigpit ang direktiba ng Alkalde ng lungsod na si Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. sa Angeles City Police Office (ACPO) at binigyan ito ng 72 oras upang resolbahin ang kaso.

Matatandaan na noong Linggo, bandang 1:50 ng hapon ng barilin ang isang Koreano sa Friendship Highway, malapit sa isang BPI branch sa Korean Town.

Ayon sa Angeles City Information Office, lumabas sa inisyal na ulat na ang insidente ay isang robbery case.

Naisugod pa ang biktima sa ospital, ngunit binawian na rin ng buhay kalaunan.

Kaugnay ng naging insidente, nag-alok naman na ang Korean Association Community sa Angeles City ng P200,000 pabuya para sa anumang impormasyon kaugnay ng pagkakakilanlan ng suspek.

Hinihikayat na rin ng mga awtoridad ang publiko na huwag mag-atubiling i-report sa mga kapulisan ang anumang lead at impormasyon na maaaring makatutulong sa pagtukoy at paghuli sa nasa likod ng naging pagpaslang.

Share this