KORTE SUPREMA, WALA PANG DESISYON SA PETISYON NI FPRRD VS. ICC RULING

Manila, Philippines — Wala pang ibinababang desisyon ang Korte Suprema kaugnay ng petisyong inihain ni dating pangulong Rodrigo Duterte para pigilan ang anumang kooperasyon ng Pilipinas sa isinasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) patungkol sa kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon.

Sa isang opisyal na pahayag ng Supreme Court Office of the Spokesperson, kinumpirma nito ang pagkakatanggap sa petisyong inihain ni dating pangulong Duterte at Senador Ronald Bato Dela Rosa sa pag-asang may mababaliktad nito ang sitwasyon ng dating pangulo, na matatandaang inaresto ng mga awtroidad ng Pilipinas, alinsunod sa arrest warrant ng ICC.

Ayon sa Korte Suprema, ang inihaing petisyon ni Duterte at Dela Rosa ay Petition for Certiorari and Prohibition with prayer for the issuance of Temporary Restraining Order and/or Writ of Preliminary Prohibitory and Mandatory Injunction.

Kopya ng Petition for Certiorari and Prohibition with prayer for the issuance of Temporary Restraining Order and/or Writ of Preliminary Prohibitory and Mandatory Injunction na inihain ng kampo ni dating pangulong Rodrigo Duterte. (Courtesy: Supreme Court PH)

Sa ilalim nito, hinihiling ng kampo na pigilan at pagbawalan ang Pilipinas na kumilos at makipagtulungan sa ICC at sa kanilang imbestigasyon laban kay Duterte.

Kabilang sa mga respondents ng petisyon sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Department of Justice, Department of Interior and Local Government, Philippine National Police, Criminal Investigation and Detection Group, Office of the Solicitor General, Bureau of Immigration, Department of Foreign Affairs, at Armed Forces of the Philippines.

Sa madaling sabi, lahat ng mga tauhan ng mga nabanggit na ahensya at opisina ng pamahalaan ng Pilipinas ay hinihiling na pagbawalang gumawa ng anumang hakbang na similar sa pakikipagtulungan sa ICC at sa imbestigasyon nito.

Bukod dito ang kahilingan ng kanilang kampo na ideklara bilang unconstitutional ang kooperasyon ng Pilipinas sa ICC, sa dahilang kumalas na ang bansa sa Rome Statute noon pang 2019.

Giit nila, illegal ang pag-aresto kay Duterte dahil hindi na saklaw ng hurisdiksyon ng ICC ang Pilipinas.

Sa kasalukuyan, wala pang desiyon ang Korte kaugnay ng petisyon, ngunit nagsagawa na ang Korte Suprema ng special raffle bilang ito ay “significant case.”#

Share this