LALAWIGAN NG OCCIMIN AT IBA PANG LGU NAKIPAGPULONG KAY PBBM PARA SA EPEKTIBONG RELIEF OPERATIONS

Occidental Mindoro, Philippines – Nakipagpulong si Gov. Ed B. Gadiano kasama ang iba pang mga gobernador at lider ng bawat rehiyon kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. upang talakayin ang mas epektibong pagpapatupad ng relief operations sa mga lalawigang maaaring maapektuhan ng kalamidad.

Layunin ng naturang pagpupulong na palakasin ang koordinasyon sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan upang matiyak ang maagap at organisadong pagtugon sa mga lugar na posibleng tamaan ng malalakas na bagyo at iba pang sakuna.

Kabilang sa mga natalakay ang direktiba ng Pangulo hinggil sa agarang distribusyon ng binhi para sa mga magsasaka at mangingisda na maaapektuhan ng kalamidad. 

Tinalakay rin ang pagpapalabas ng pondo para sa iba’t ibang tulong-pinansyal upang makatulong sa mga pamilyang naapektuhan, gayundin ang pagpapabilis ng pamamahagi ng ayuda sa mga komunidad.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng mas mabilis na proseso sa pagkakaloob ng tulong at mas maayos na koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan upang maiwasan ang pagkaantala sa relief operations.

Samantala, tiniyak ng mga dumalong gobernador ang kanilang pakikipagtulungan sa pambansang pamahalaan upang maipatupad ang mga napagkasunduang hakbang at masiguro na agad na makararating ang tulong sa mga nangangailangan, lalo na sa mga lalawigang madalas tamaan ng kalamidad tulad ng Occidental Mindoro.

Share this