LATE REGISTRATION NG MGA SASAKYAN AT DRIVER’S LICENSE RENEWAL, HINDI NA PAGMUMULTAHIN – LTO

Manila, Philippines – Bilang konsiderasyon sa mga motorista na late registered ang mga sasakyan at driver’s license renewal na apektado ng nagdaang kalamidad, hindi na ito pagmumultahin ng Land Transportation Office (LTO) sa pagpoproseso.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na i-maximize ang tulong sa sambayanang Pilipino na apektado ng sunud-sunod na gulo ng panahon na tumama sa bansa.

Sa isang memorandum na nilagdaan ni acting Assistant Secretary Atty. Greg G. Pua, Jr., sinabi nitong saklaw ng waiving ng mga multa ang lingguhang surcharge para sa late motor vehicle registration at driver’s license renewal mula Hulyo 21-25.

Nakatakda din itong i-extend sa August 8, 2025.

Sa kaparehong memo, sinabi ni Pua na ang pagpataw ng penalty para sa mga sasakyang de-motor, kabilang ang mga motorsiklo, na binili mula Hulyo 21 hanggang 25 ngayong taon na hindi nakarehistro ay pasok din sa waive.

Sinabi niya na ang pagbibilang ng mga araw sa Sales Invoice para sa mga sasakyang binili sa ilalim ng parehong panahon ay magsisimula lahat sa Agosto 8, 2025 upang maiwasan ang parusa para sa late registration ng mga bagong motor vehicles.

Upang higit na mapakinabangan ang tulong sa mga apektadong motorista, sinabi ni Pua na ang 15-araw na panahon para sa settlement ng lahat ng traffic apprehension cases na may petsang Hulyo 21-25 ay mapapalawig din.

Share this