Manila, Philippines – Mariing ipatutupad ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang liquor at firecrackers ban sa mga lugar na dadaanan ng Traslacion ng Poong Nazareno bilang bahagi ng paghahanda sa taunang prusisyon.
Nilagdaan ang Executive Order No. 2, Series of 2026 na nagtatakda ng liquor ban sa Enero 9 sa loob ng 500-meter radius ng Quiapo Church at sa lahat ng rutang daraanan ng Traslacion. Sa ilalim ng kautusan, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta at pag-inom ng alak sa mga nasabing lugar upang mapanatili ang kaayusan at kabanalan ng pagdiriwang.
Samantala, nilagdaan din ang Executive Order No. 3, Series of 2026 na nagdedeklara ng total ban sa paggawa, pagbebenta, pamamahagi, at paggamit ng mga paputok at pyrotechnic devices mula Enero 8 hanggang Enero 9 sa buong Lungsod ng Maynila. Layunin ng kautusan na maiwasan ang mga posibleng pinsala, sunog, at iba pang panganib sa gitna ng inaasahang dagsa ng mga deboto.
Alinsunod naman sa Executive Order No. 1, Series of 2026, suspendido ang trabaho sa lahat ng tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at kanselado ang klase sa lahat ng antas, kapwa sa pampubliko at pribadong paaralan, sa Enero 9.
Gayunman, magpapatuloy ang operasyon ng mga frontline services tulad ng peace and order, serbisyong panlipunan, traffic enforcement, disaster risk reduction, at health services. Ang suspensyon naman ng trabaho sa mga tanggapan ng pambansang pamahalaan at mga pribadong kumpanya sa Maynila ay nakasalalay sa desisyon ng kani-kanilang pamunuan.
Patuloy na hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang publiko na makiisa at sumunod sa mga ipinatutupad na patakaran upang matiyak ang ligtas, maayos, at mapayapang pagdiriwang ng Traslacion.