Cavite, Philippines – May panibagong road rage nanaman ang naitala sa pagitan ng isang pick up driver at pampasaherong bus sa Silang, Cavite.
Sa bidyong kuha ng ilang nakasaksi sa insidente, makikita ang pananakit ng lalaking nakaitim sa isang lalaking nakasuot ng puti na driver ng bus.
Inaawat rin ang lalaking nanakit ng kanyang babaeng kasama pero tila ayaw paawat.
Nakarating na yan sa Department of Transportation (DOTr) at sinuspinde na ng 90 araw ang lisensya ng nanakit na kinilalang si Arny Jose Montes.
Ayon sa report ng Silang Municipal Police Station na nagbanggaan ang Toyota Hilux, na minamaneho ni Montes, at ang Public Utility Bus (PUB).
Pinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang driver para magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng Reckless Driving at makansela ang kanyang lisensya.
Iginiit ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na walang puwang sa kalsada ang mga abusadong driver.
Samantala, hindi na umano magde-demanda ang bus driver at pinatawad na raw nito si Montes ayon kay PNP Public Information Chief Brig. Gen. Randulf Tuaño.