Manila, Philippines – Pinababantayan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ilang opisyal ng ahensya at kontraktor na sangkot sa maaanomalyang flood control project sa Pilipinas.
Sa bisa ng lookout bulletin ng ipinadala ni Secretary Vince Dizon sa Department of Justice (DOJ), pinatitiyak ni Dizon na hindi makalalabas sa bansa ang mga indibidwal na ito habang gumugulong ang imbestigasyon.
Nitong September 2, nagpadala ng urgent request si Dizon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) habang iniimbestigahan ang mga flood control project sa Pilipinas.
Sa liham, iginiit ni Dizon na napapanahon ang paglalabas ng lookout bulletin para maiwasan ang delay sa imbestigasyon at mapanagot ang mga may sala.
Bukod sa ILBO, humiling din ang DPWH sa Bureau of Immigration na agad ipagbigay alam sa tanggapan at sa iba pang law enforcement agency ang mga paunang travel advisory ng mga indibidwal.
Una sa listahan ng mga pinababantayan ng DPWH, sina OIC assistant Regional Director Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee D. Mendoza.
Sa mga contractor, pinababantayan ang paglabas ng bansa ang mga may-ari ng labing limang contractor na isiniwalat ni Pangulong Marcos.
• Sara Discaya, presiden at AMO ng Alpha & Omega General Contractor and Development Corp.
• Ms. Roma Angeline Rimando – owner & manager ng St. Timothy Contruction Corporation
• Allan Arevalo, General Manager ng Wawao Builders.
• Allan Quirante, owner ng QM Builders
• Aderma Angelie Alcazar, president at CEO ng Sunwest Inc.
• Edgar acosta, president ng hi-tone Construction and Development Inc.
• At Iba pa.
LISENSYA NG 9 NA KUMPANYANG PINATATAKBO NG MGA DISCAYA, BINAWI NA NG PCAB
Samantala, binawian na rin ng Philippine Contrator Accreditation Board (PCAB) ng lisensya ang siyam na kumpanyang pinatatakbo o pagmamay-ari ni Sara Discaya.
Batay sa Board Resolution ng no. 075, matapos tumestigo ni Discaya sa Senado kung saan nasiwalat ang pag-aari niya sa ilang kumpanya, nagdesisyon ng PCAB na bawiin ang lisensya.
Partikular na tinanggalan ng lisensya ang mga kumpanyang:
• St. Gerrard Construction Gen. Contractor & Dev’t Corporation
• Alpha & Omega Gen. Contractor & Dev’t Corporation
• St. Timothy Construction Corporation
• Amethyst Horizon Builders And Gen. Contractor & Dev’t Corp.
• St. Matthew General Contractor & Development Corporation
• Great Pacific Builders And General Contractor, Inc.
• YPR General Contractor And Construction Supply, Inc.
• Waymaker OPC
• Elite General Contractor And Development Corp.
Ang pag-amin aniya ni Discaya ang nagpatibay sa pagsali nito sa iba’t ibang bidding ng gobyerno na nagkakaroon ng impluwensya sa resulta ng bidding.
Ayon sa resolusyon ng PCAB, hinahamak ng mga ganitong estilo ang Transparency at pagkakapantay-pantay sa proseso ng procurement.
Dahil sa desisyon, maglalabas ang PCAB ng notice kaugnay sa pagbawi ng lisensya ng mga korporation at kopya ng resolution sa DPWH, Securities and Exchange Commission, at Government Procurement Policy Board at sa mga lokal na pamahalaan.—Krizza Lopez, Eurotv News