Manila, Philippines — Ganap nang naging isang bagyo ang Low Pressure Area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), at pinangalanan bilang Mirasol.
Ayon sa weather forecast ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nagdevelop na bilang isang tropical depression ang LPA, ganap na alas-dos ng hapon nitong Martes, ika-16 ng Setyembre.
Base sa classification ng PAGASA, ang tropical depression (TD) ay pinakamahinang klase ng bagyo, kung saan si Mirasol ay may lakas ng hangin na umaabot ng 55 kph at pagbugsong aabot sa 70 kph. Hanggang nitong alas singko ng Martes, kumikilos ang nasabing bagyo sa hilagang kanluran na may bilis naman na 25 kph.
Kaugnay nito, itinaas na sa Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 ang ilang lugar na apektado ng bagyo sa Luzon kabilang ang Batanes, Cagayan, Babuyan Islands, Isabela, Quirino, hilagang-silangan na bahagi ng Nueva Vizcaya at Camarines Sur at hilagang bahagi ng Camarines Norte.
Kasama rin sa nasabing apektado ang Aurora, Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Norte, Polillo Islands, at Catanduanes.
Samantala, habang patuloy na binabantayan ang epekto ng Bagyong Mirasol, mayroong isang LPA na binabantayan ang PAGASA mahigit 660 km kanluran ng Calapan City, Oriental Mindoro.
Ang nasabing LPA ay may mababang tyansa na maging isang bagyo at tinatayang may posibilidad na lumabas sa loob ng PAR sa mga susunod na oras.
Sa kabila nito, asahan pa rin ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat sa kanlurang bahagi ng PAR.Para sa mga lugar na apektado ng bagyo, maging handa sa posibleng epekto at ugaliing manatili sa loob ng tahanan kung hindi kinakailangang lumabas. — (Leila Doria, Contributor)