LPA SA LOOB NG PAR, POSIBLENG MAGING UNANG BAGYO NG 2025

Mas magiging maulan pa ang panahon sa mga susunod na araw lalo pa at mas malapit na ngayon sa kalupaan ng Pilipinas ang binabantayang Low Pressure Area sa karagatang Pasipiko.

Batay sa forecast ng weather bureau na Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong alas tres ng hapon ng Biyernes, huling namataan ang LPA 340km silangan ng Virac, Catanduanes.

Ayon sa PAGASA, mayroon itong katamtamang tyansa na maging isang ganap na bagyo sa susunod na 24 oras o sa Sabado hanggang Linggo.

Sakali mang mamuo bilang isang tropical depression, ito ang magiging pinakaunang bagyo sa buwan ng Hunyo at sa buong 2025, at tatawaging “Auring.”

Samantala, ang Quezon, Bicol region, at nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao ay apektado ng trough ng LPA, na magdadala ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms.

Ganito rin ang magiging weather condition sa Metro Manila, CALABARZON maliban sa lalawigan ng Quezon, MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, BARMM, at SOCCSKSARGEN bunsod naman ng hanging habagat.

Ang nalalabing bahagi naman ng Luzon, apektado rin ng habagat na magdadala ng bahagyang maulap hanggang maulap na mga kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms.

Sa inaasahang mas titindi pang mga pag-ulan, inaabisuhan na ang publiko patungkol sa mga posibleng pagbaha dala ng masamang lagay ng panahon.

Share this