LTFRB, MAGKAKASA NG NATIONWIDE PUBLIC CONSULTATIONS KAUGNAY NG PETISYONG TAAS-PASAHE SA MGA PUVs

Manila, Philippines – Upang mas mapag-aralan at mabusisi ang petisyong taas-pasahe sa mga Public Utility Vehicles (PUVs), maglulunsad na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga public consultations nationwide para talakayin ang usapin.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, layon ng public consultations na ito na makuha rin ang panig ng publiko, bilang mga mananakay, sa pagtalakay ng ahensya sa panukalang pagtaas ng pamasahe sa mga pampublikong transportasyon.

Nauunawan naman daw ni Mendoza ang hiling ng mga nasa sektor ng transportasyon na magkaroon ng taas-pasahe upang makabawi mula sa lugi dahil sa sunod-sunod na taas-presyo ng petrolyo.

Patong-patong na rin aniya ang mga natanggap na petisyon ng ahensya mula sa mga PUV operators, partikular na sa mga bus, dyip, taxi, at iba pa para magkaroon na ng taas-pasahe.

Ngunit bago aprubahan ang petisyon, kailangan din muna aniyang marinig ang panig ng mga maapektuhan ng anumang uri ng taas pasahe.

“Hindi puwede na isang panig lang ang marinig sa usaping ito, at lalong hindi puwede na hindi mabigyan ng oportunidad ang lahat ng stakeholders na maipahayag ang kanilang opinyon dahil lahat ay magiging apektado ng anumang desisyon sa pagtaas ng pasahe,” ani Mendoza.

Kaugnay nito, naglabas na ng board Resolution ang LTFRB kaugnay ng pagsasagawa ng public consultations kasama ang lahat ng mga kaugnay na sector ng transportasyon.

Sa ika-10 ng Nobyembre, nakatakda na ang public consultation sa Quezon City LTFRB Central Office.

Inatasan na rin ni Mendoza ang lahat ng Regional Directors na isumite ang resulta ng mga public consultations sa ika-14 ng Nobyembre.

Sa ika-17 ng Nobyembre, target nang maisumite ng LTFRB ang resulta ng konsultasyon at kanilang rekomendasyon patungkol sa taas-pasahe sa Department of Tranportation.

“Mahigpit ang bilin ng ating DOTr Secretary na dapat aksyon agad sa anumang hinaing na ipinararating ng taumbayan, kaya titiyakin natin na magkakaroon agad tayo ng mabilis na resulta ng public consultation at rekomendasyon ukol dito.” 

Share this