Manila, Philippines – Mariing pinabulaanan ng Land Transportation Office (LTO) ang kumakalat na maling impormasyon sa social media hinggil sa umano’y halos 100% na pagtaas ng bayarin sa pagpaparehistro ng mga sasakyan.
Ayon sa ahensya, walang katotohanan ang naturang balita. Nilinaw ng LTO na wala silang ipinatutupad na biglaan o hindi inanunsyong pagtaas sa registration fees.
Sa halip, patuloy umano silang nagsasagawa ng mga hakbang upang gawing mas abot-kaya ang kanilang mga serbisyo, lalo na sa gitna ng kinakaharap na hamong pang-ekonomiya ng bansa.
Binigyang-diin din ng LTO na ang lahat ng bayarin para sa rehistro at iba pang transaksyon ay nakabatay sa mga umiiral na batas at regulasyon na aprubado ng pamahalaan.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na maging mapanuri at responsable sa pagtanggap at pagbabahagi ng impormasyon online upang maiwasan ang paglaganap ng fake news.