MAHIGIT 10,000 PDLs, NAKATAPOS NG BASIC EDUCATION SA PAMAMAGITAN NG ALS — DILG 

Manila, Philippines – Sa pakikipagtulungan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), mahigit 10,739 persons deprived of liberty (PDLs) ang nakatapos na ng basic education sa elementarya at high school sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd).

Bukod sa diploma, may kaakibat ding Time Allowance for Studying, Teaching, and Mentoring ang mga PDL na naka-enroll sa ALS, alinsunod sa Republic Act 10592, bilang pagkilala sa kanilang pagsusumikap.

Ayon sa DILG, upang matiyak na ang lahat ng kasamang PDLs sa ALS ay patuloy na nasusubaybayan, ang BJMP ay may operational at administrative control sa lahat ng city, district, at municipal jails sa bansa.

Sa ilalim ng programang Tertiary Education Behind Bars na isinakatuparan kasama ang Commission on Higher Education (CHED), 107 PDLs na ang nagtapos ng kolehiyo, habang 720 PDLs pa ang kasalukuyang nag-aaral sa iba’t ibang degree programs, patuloy ang BJMP sa pakikipag-ugnayan sa mga kolehiyo at unibersidad upang mapalawak pa ang naturang programang.

Samantala, 112,707 PDLs naman ang nakatapos ng iba’t ibang skills training sa pakikipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at mga civil society organizations, kabilang na rito ang carpentry, electronics, welding, arts and crafts, at small-scale entrepreneurship na makatutulong sa kanilang kabuhayan pagkalaya.

Ang inisyatiba umanong ito ay alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga PDLs na makapagtapos ng kanilang pag-aaral kahit pa ang mga ito ay nasa kulungan. —Ella Corazon, Eurotv News

Share this