Manila, Philippines – Muling inihain ng koalisyong makabayan sa kamara ang Sexual Orientation, Gender Identity or Expression, or Sex Characteristics (SOGIE SC), matapos ang paulit-ulit na pagbasura nito ng Kongreso.
Inihain nina Kabataan Partylist Rep.- Elect Renee Co at Act Teachers Party-list Rep.-elect Antonio Tinio ang House Bill No. 216 noong June 30, 2025.
Batay sa panukalang batas, nakasaad sa 1987 Constitution na pinahahalagahan ng estado ang dignidad ng bawat kasapi ng lipunan at ginagarantiyahan ang buong respeto para sa karapatan pantao nito.
Ayon sa Article 2, Section 14, ipinapataw rin sa estado ang tungkulin nito na pagkakapantay-pantay ng lalaki at babae.
Paliwanag ni Kabataan Rep. Co, mas komprehensibo at malinaw ang proteksyon na ibinibigay ng bagong bersyon ng SOGIESC Equality Act.
Kabilang na rito ang mga probisyon na nagbibigay ng proteksyon laban sa nakasisirang pananalita, malinaw na pamantayan upang maging isang gender-neutral ang isang pasilidad, at probisyon laban sa pag-oout ng isang tao na labag sa kagustuhan ng kapwa nito.
“Ang bagong bersyon ng bill ay mas komprehensibo at mas malinaw sa mga proteksyon na ibibigay nito. We now have specific provisions against ‘outing’ individuals without consent, protection against discriminatory speech, and clearer guidelines for establishments to provide gender-neutral facilities.” ani Co.
Kaya naman, layon ng SOGIESC Equality Act na mariing ipagbawal ang diskriminasyon, hindi lamang para sa mga bahagi ng LGBTQIA+ kundi maging para sa mga bata, babae, at lalaki na biktima ng pang-aabuso.
Pagbibigay diin ni Co, matagal nang naiipit ang panukalang batas sa kamara sa kabila ng natatanggap nitong suporta.
Dagdag niya na hindi na rin dapat pang paghintayin ang miyembro ng LGBTQIA+ lalo’t kung para ito sa pagbibigay ng patas na proteksyon mula sa ba
Giit ni Co, hindi isang pantotolerate ang panukalang batas, kundi ito ay pagbibigay ng tunay na pagkakapantay at hustisya: “This bill is not just about tolerance – it’s about genuine equality and justice. Ang LGBTQIA+ community ay hindi humingi ng special treatment, pero ng equal treatment under the law.”
Inabot na ng dalawang dekada ang SOGIESC bill na paikot-ikot sa kamara at senado, at hanggang noong 19th Congress tinanggihan pa rin itong maisabatas. —Krizza Lopez, Eurotv News