MALACAÑANG, IGINIIT NA MAS MAINAM NA HARAPIN NI ZALDY CO ANG MGA KATIWALIANG SANGKOT SIYA

Manila, Philippines – Kasunod ng pagbitiw ni Zaldy Co bilang representative ng Ako Bicol Partylist sa House of Representatives, nananawagan naman ang palasyo sa dating mambabatas na   sagutin ang mga katanungan na iniuugnay sa kanya. 

Dahil sa pagreresign ni Co bilang kinatawan ng partylist, marami ang nangamba, maging ang Department of Justice, na hindi na ito magpaparamdam pa. 

Ayon kay Palace Press Officer at undersecretary Atty. Claire Castro, nasa pagpapasya ni Co ang kanyang pag-alis sa posisyon.

Ngunit kung sakaling masampahan na ng kaso si Co dahil sa umano pagkakadawit sa katiwalian ng flood control project, mas mainam na harapin nito at sagutin ang lahat ng katanungan. 

Nitong Lunes, ibinahagi ni Castro mula sa impormasyon ng Department of Justice (DOJ) na nakapag-request na ang gobyerno ng Pilipinas ng Blue Notice para Interpol para matukoy ang kinaroroonan ni Co. 

Hanggang ngayon ay naghihintay pa ang DOJ ng kasagutan sa interpol para sa kahilingan nito sa interpol. 

September 29, 2025, isinumite ni Co ang kanyang irrevocable resignation sa kanyang posisyon at tinanggap naman ng liderato ng kamara. 

Batay sa resignation ni Co, sasagutin niya ang mga alegasyon na kinasasangkutan, lalo na ang akusasyon ni Navotas representative Toby Tiangco sa tamang panahon, sa harap ng tamang pagtitipon. 

Iginiit din ni Co sa kanyang resignation ang matinding panganib na kinahaharap ng kanyang pamilya.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this