Manila, Philippines – Ganap nang natapos ang mas pinalaking drainage system sa kahabaan ng G. Araneta Avenue bilang bahagi ng Oplan Kontra Baha ng pamahalaan, alinsunod sa direktiba ni Bongbong Marcos na pabilisin ang mga proyektong pangontra sa pagbaha bago ang pagsapit ng tag-ulan.
Ayon kay Vince Dizon, inatasan sila ng Pangulo na bilisan ang konstruksyon ng flood control projects upang maiwasan ang matinding epekto ng pagbaha, lalo na pagsapit ng Hunyo.
Dagdag pa ng kalihim, nagtalaga na rin ng mga mobile pump habang hindi pa natatapos ang pumping station sa E. Rodriguez Avenue. Patuloy rin ang dredging at paglilinis sa San Juan River upang mapabilis ang daloy ng tubig at mabawasan ang pagbaha sa mga kalapit na lugar.
Inaasahang makatutulong ang pinalaking drainage system upang maibsan ang matagal nang suliranin ng pagbaha sa nasabing lugar at magbigay ng mas maayos na daloy ng tubig sa panahon ng malalakas na pag-ulan.
Patuloy naman ang iba pang proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan bilang paghahanda sa nalalapit na tag-ulan.