Manila Philippines — Pinuna ni Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isinisisi ang pagbaha sa climate change at sa maling pagtatapon ng basura.
Kasabay ng pagbisita ni Marcos sa CAMANAVA area upang tingnan ang pinsalang idinulot ng nagdaang bagyong Carina, sinabi nito na dahilan raw ng pagbabara ng mga pumping stations ang mga basura, kaya’t nananawagan ito sa publiko na maging responsible sa pagtatapon ng basura.
“Nagkaproblema lang. Sana matuto naman ang tao. Huwag kayong nagtatapon ng basura dahil ‘yung basura, ‘yun ang nagbara doon sa mga pump natin kaya hindi kasing effective na puwede,” ani Marcos sa isang pahayag.
Pero, ang pahayag ni Marcos hindi pinalagpas ng Makabayan coalition, ayon kay Manuel, hindi raw dapat isisi sa mga ordinaryong Pilipino ang malawakang pagbaha sa Metro Manila, na siya ring nabiktima ng mga pagbaha.
Giit pa ni Manuel hindi rin aniya dapat ibinabaling sa publiko ang pagbabago ng klima kundi ang mga malalaking kumpanya umano.
“Di ganito kasimple ang dahilan ng malalang baha sa NCR, kaya di dapat sinisisi ang mga ordinaryong kababayan na mismong biktima ng mga baha. Di rin consumption ng masa ang pangunahing nagdulot ng climate change, kundi ang mapanirang sistema ng produksyon ng malalaking kumpanya,” ani Manuel sa isang pahayag.
Ayon pa sa mambabatas, pakitang tao lang aniya ang isinagawa ng pangulo na pagbisita sa mga apektadong lugar sa NCR ng pagbaha dala ng bagyong Carina.
Unang binigyang diin ni Marcos sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ang flood control project, kung saan mahigit 5,000 umano ang nakumpleto na.
Matapos ang pananalasa ng bagyong Carina, kinuwestyon din sa Senado kung napapakinabangan nga ba ang nasa P225 Million na pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa flood control project ng pamahalaan.