MANILA MAYOR ISKO, INIHAYAG ANG PAGPAPALABAS NG MATAGAL NANG NAANTALANG PONDO SA MAHIGIT 800 BRGY. 

Manila, Philippines – Inanunsyo ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang pagpapalabas ng matagal nang nakabinbing pondo para sa 896 barangay ng lungsod na may kabuuang halaga na mahigit ₱143 milyon. 

Saklaw nito ang backlog na umabot ng mahigit dalawang taon, pati na rin ang mga bagong alokasyon sa ilalim ng 2025 na badyet.

Kabilang sa mga pondong ilalabas ang Barangay Clearance Share mula Enero 2023 hanggang Setyembre 2025, ang Barangay Development Fund para sa 2025, at ang 30% Real Property Tax (RPT) share mula Hulyo hanggang Nobyembre 2025.

Ayon kay Domagoso, ang Barangay Clearance Share ay kita na legal na nakalaan para sa mga barangay batay sa isang ordinansang ipinasa noong una niyang termino, na nakaayon sa Anti-Red Tape Act at Ease of Doing Business Law.

Ipinaliwanag naman ni Manila City Treasurer Atty. Paul Vega na nang lumipat ang lungsod sa full online business permit system sa pamamagitan ng Go Manila, hindi na kinailangang kumuha ng clearance direkta sa mga barangay. 

Dahil dito, ang mga koleksyong dapat mapunta sa barangay ay naipon ngunit hindi na-remit sa loob ng ilang taon.

Kasama ring inaprubahan ni Mayor Isko ang pagpapalabas ng Barangay Development Fund na ₱12,000 kada barangay para sa 2025. Bagama’t maliit ang halaga, inaasahang makatutulong ito sa mga pangunahing pangangailangang operasyonal at maliliit na programa sa komunidad ng 896 barangay.

Inanunsyo rin ang pagpapalabas ng 30% RPT share ng mga barangay, na itinatadhana sa ilalim ng Local Government Code. 

Ang release para sa Hulyo hanggang Nobyembre 2025 ay bahagi ng pagsisikap ng lungsod na gawing regular at predictable ang daloy ng pondo para sa mga barangay.

Ayon sa City Treasurer’s Office, ang kabuuang halaga ng pondong ilalabas para sa lahat ng anim na distrito ng Maynila ay umabot na sa mahigit ₱143 milyon hanggang Oktubre 30, 2025.

Share this