Manila, Philippines – Hindi hahadlangan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isapubliko ang kanyang statement of assets, liabilities, and net worth (SALN), ayon sa opisyal ng Malacañang.
Ayon kay Palace Press Officer at Undersecretary, mas mabuting hintayin na lamang ng mga kritiko ang magiging tugon ng ombudsman kaugnay sa pagsasapubliko ng SALN ng pangulo.
Ito ay kasunod ng kahilingan ng Akbayan Party-list at iba pang grupo sa Office of the Ombudsman na ilabas ang (SALN) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., maging ni Vice President Sara Duterte, dating Ombudsman Samuel Martires, at iba pang opisyal ng mga constitutional commission.
Ayon kay Atty. Claire Castro, handa ang Pangulo na isapubliko ang kanyang SALN sa tamang mga awtoridad.
Matatandaan na sinabi rin ni Marcos na bukas siyang ilabas ang kanyang SALN at hihikayatin niya ang kanyang mga miyembro ng Gabinete na gawin din ito bilang bahagi ng kanilang pagsuporta sa transparency sa pamahalaan.
Kamakailan ay naglabas ng memorandum si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nag-aalis sa dating limitasyon sa pagkuha ng SALN ng mga opisyal ng gobyerno, upang higit na maisulong ang transparency.
Sa ilalim ng bagong alituntunin, hindi na kinakailangan ng pahintulot ng opisyal na may-ari ng SALN bago ito mailabas sa publiko.
Saklaw ng memorandum ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga pinuno ng Constitutional Offices, at mga lokal na opisyal ng pamahalaan, dahil ang Office of the Ombudsman ang itinalagang repository o tagapangalaga ng mga SALN ng naturang mga opisyal.
Batay sa direktiba, maaaring magsumite ng request para sa kopya ng SALN sa Public Assistance and Corruption Prevention Office ng Ombudsman Central Office, o sa mga regional at sectoral offices ng ahensya.—Krizza Lopez, Eurotv News