Manila, Philippines — Nilinaw ng Malacañang nitong Biyernes na hindi tutol si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa.
Ito ang sagot ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa pahayag ng Kabataan Party-list na si Marcos umano ang “real killer” sa panukalang batas na magtataas sana ng sahod ng mga manggagawa, pabor sa tinatawag nilang “rich boys club.”
“Diktador ba ang Pangulong Marcos Jr.? Hindi naman po. Hayaan na lang po muna natin ang usapin na ‘yan sa Kongreso. Ang Pangulo naman po ay hindi tutol sa wage hike dahil ito po naman ay makakabuti sa mga manggagawa,” sagot ni Castro.
Ayon kay Castro, may tamang proseso na dapat sundan para sa pagtataas ng sahod.
Binigyang-diin niyang taon-taon naman umanong pinag-aaralan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang mga umento sa sahod sa bawat rehiyon.
Maaalala na hindi na naipasa sa palasyo ang panukala dahil hindi nagtagpo ang bersyon ng Senado at Kamara bago magsara ang ika-19 na Kongreso. Ire-refile na muli ang panukalang batas sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso sa Hulyo.
Dagdag pa ni Castro, titingnan din ng Pangulo ang magiging epekto sa ekonomiya ng anumang dagdag sa minimum wage ng mga manggagawa.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, tinawag ng Kabataan Partylist si Marcos bilang isang diktador na hindi pinakikinggan ang mga mamamayan at nananahimik lang sa mga isyu ng lipunan.
“If he is not against it, he should certify as urgent the 200 peso wage hike bill and call for a special session so that the Congress will have an opportunity to ratify the bicam report. Actions speak louder than words. Di po nakakain ang mga salita,” sabi ni Kabataan Rep-elect Atty. Renee Co. — Freda Ordinado, Contributor