Manila, Philippines – Tiniyak ng National Security Council (NSC) na walang dahilan ang China para tutulan ang bagong batas na Maritime Zones Act ng Pilipinas.
“China has no reason to protest the law,” inihayag ni NSC spokesperson Jonathan Malaya nitong Lunes, Nobyembre 11, at binigyang diin ang batas ay naaayon sa international norms at soberanya ng Pilipinas.
(Walang dahilan ang China para tutulan ang batas)
Bukod dito, ipinaliwanag rin ni Malaya ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act, kung saan pumapabor ito sa ating soberanya batay sa 2016 South China Sea ruling at sumusunod din sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
“These laws are essential as they reaffirm our sovereignty over our territorial, internal, and archipelagic waters, as well as our economic rights within our exclusive economic zone (EEZ),” pahayag ni Malaya.
(Mahalaga ang mga batas na ito dahil kinikilala nila ang ating soberanya sa ating teritoryal, panloob, at katubigang arkipelago, gayundin ang ating mga karapatan sa exclusive economic zone)
Diniin din ni Malaya ang tahasang pagtutol ng China at sinabing kinikilala lamang ng nasabing batas ang mga karapatang nakasaad na sa international law.
Bukod pa rito, aniya nararapat lamang na magkaroon ng mga batas ang Pilipinas na tulad ng Maritime Zones Act na kagaya rin ng ginagawa ng China.
“If they have a law, then we, too, are entitled to establish our own. We are not violating any international laws here, and the People’s Republic of China has no reason to be concerned,” dagdag niya.
(Kung mayroon silang batas, tayo rin ay may karapatang magtatag ng sarili natin. Wala tayong nilalabag na anumang international law, at walang dahilan ang People’s Republic of China para mabahala)
Ang pagtitiyak na ito ay ginawa matapos pormal na ipatupad ng Pilipinas ang Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act noong Nobyembre 8, 2024, kung saan naman agarang tumutol ang China at naglabas ng mga baseline sa paligid ng Panatag (Scarborough) Shoal, na tinatawag nilang Huangyan Dao.