MATAAS NA AKTIBIDAD SA BULKANG KANLAON, NAGPAPATULOY

Mt. Kanlaon, Negros Island — Nananatili pa ring nakataas ang alert level 3 sa bulkang Kanlaon, lalo na sa nakalipas na pagbubuga nito ng abo, Martes ng hapon.

Batay sa IP camera recordings mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), 5:02 ng hapon nang nagsimulang magbuga ng abo ang bulkan, at nagtagal ng tatlong minuto.

Kasunod ng aktibidad na ito, umabot sa 300 metro ang taas ng plumes na resulta ng naging ash emission.

Sa nagpapatuloy ding aktibidad ng bulkan, mahigit 3,000 tonelada ng Sulfur Dioxide Flux ang inilabas nito nitong Martes, habang naitala naman ang 15 volcanic earthquakes sa paligid ng bulkan.

Sa gitna ng aktibidad ng Kanlaon, hinidi inaalis ang posibilidad ng biglaang pagsabog, pagbuga ng lava, pag-ulan ng abo, pyroclastic density current, rockfall, at pagdaloy ng lahar.

Dahil dito, pinalilikas na ang mga residenteng nakapaloob sa 6-km radius mula sa tuktok ng bulkan, habang ipinagbabawal pa rin ang paglipad ng anumang aircraft malapit sa bunganga nito.

Samantala, nananatili namang nasa ilalim ng alert Level 1 ang Bulkang Mayon sa Albay, maging ang Bulkang Taal sa Batangas.

Share this