“Huwag nating isuko ang kalayaang ito sa mga taksil at walang malasakit sa ating mamamayan at sa ating bayan.”
Ito ang mensahe ni Vice President Sara Duterte sa mga Pilipino sa paggunita ng ika-127 taong anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas ngayong ika-12 ng Hunyo.
Sa isang video message, binalikan ni Duterte ang mga naging sakripisyo at paghihirap ng mga Pilipinong bayani upang makamit ang ngayo’y isang siglo at dalawang dekada nang kasarinlan ng Pilipinas.
Ani Duterte, hindi dapat mabalewala ang hirap ng Pilipinong bayani na mapalaya ang bansa at ang mga mamamayan nito, para lamang muling magpa-alipin.
“Hindi tayo lumaya para masadlak lamang sa pagdurusa ang ating bansa. Hindi tayo lumaya para muling mawalan ng karapatan at maging alipin ng iilan,” pagdidiin ni Duterte.
Paliwanag ni Duterte, wala mang mananakop sa kasalukuyang panahon, marami pa ring mga balakid at hamon sa kalayaan ng Pilipinas.
Kabilang na rito ang mga isyung panlipunan na hanggang ngayon ay problema pa rin ng maraming Pilipino sa bansa, gaya ng katiwalian sa gobyerno, droga, edukasyon, gutom at kahirapan.
Aniya, kung patuloy na hahayaan ng mga Pilipino na ma-agrabyado sila ng ganitong sistema, ito ay paglapastangan na sa diwa ng kalayaan.
“Paglapastangan sa alaala ng ating mga bayani ang pagyakap sa kultura ng pagkaalipin. Paglapastangan sa diwa ng kalayaan ang pagsasawalang bahala sa paghihirap ng maraming pamilyang Pilipino at ang paglabag sa mga karapatan at sa batas,” dagdag nya pa.
Panawagan nya ngayon, ang diwa ng kalayaan ay magsilbi sanang kamulatan para sa mga Pilipino sa responsibilidad nito na ipagtanggol ang bayan at protektahan ang kasarinlan ng Pilipinas.